

Nagkaroon din ng sistema ng patubig sa Dapitan nang dahil kay Rizal. Ito ay kanyang ginawa upang magkaroon ng malinis na tubig na dumadaloy sa bawat kabahayan doon sa Dapitan. Isa pang proyekto ni Rizal doon ay ang paglilinis ng mga latian upang mapuksa at mawala ang malaria sa bayan.
Nagturo si Rizal ng wika, heograpiya, kasaysayan, matematika, gawaing industriyal at marami pang iba sa mga kabataan doon sa Dapitan. Marami din na nagawa si Rizal sa larangan ng agham, katulad ng pagpasok ni Rizal sa mga kagubatan at baybay dagat ng Dapitan para sa paghahanap ng mga specimen upang ipadala niya sa mga museo ng Europa, pag-iipon niya ng 346 na uri ng mga kabibi, at pagdiskubre niya sa Draco rizali, Apogonia rizali at Rhacophorus rizali. Ipinagpatuloy din ni Rizal sa Dapitan ang pag-aaral niya ng mga wika tulad ng Bisaya, Subuanin, at Malayo. Mahusay rin siya sa larangan ng sining. Nililok niya ang ang ulo ni Padre Guericco, at estatwa ng babaing taga-Dapitan.
Sa tagal ng pananatili ni Rizal sa Dapitan ay naging isa rin siyang magsasaka. Nagkaroon siya ng pag-aaring lupa na may sukat na 70 hektarya, at ito ay may nakatanim na mga abaka, niyog, punong kahoy, tubo, mais, kape at cocoa. Modernong pagsasaka ang ginamit ni Rizal sa kanyang lupa. Ito ay sa pamamagitan ng pag-aangkat sa Estados unidos ng mga makabagong makinarya. Naisip din ni Rizal na magnegosyo sa Dapitan. Nakipagsosyo siya sa isang mangangalakal sa Dapitan na nagngangalang Ramon Carreon, at nagkaroon siya ng negosyo sa pangingisda, koprahan at abaka.
Ito ang mga ginugol ni Rizal sa kanyang halos apat na taong pananatili sa Dapitan bilang isang bilanggo roon.Nakalisan lamang si Rizal sa Dapitan noong Hulyo 30, 1896 dahil humiling siya na magtungo sa Kuba upang magsilbi bilang manggagamot. Ito ay pinahintulutan naman ni Gobernador Ramon Blanco, at dahil dito, siya’y nakaalis sa Dapitan.